Maraming gustong bumalik sa
kanilang kabataan dahil sa mga alaala’t halakhakang naikintal nito sa ating mga
puso. Ngayong araw, muli kong naranasan ang maging batang musmos na sabik sa
paglalaro sa kanyang mga kaibigan. Habulan, takbuhang walang mulat, amoy araw
ang lahat at bawat isa’y may ngiting
maniningning pa sa sikat ng araw na nagmamasid sa amin sa haplos ng malalagong
damo. Hindi maikakaila, ako’y buong galak na bumalik sa pagkabata. Mga panahong
hindi lubos na napagtuunan ng pansin, ngayo’y aking pilit na tinutungo. Walang
mapagsidlan mga ligayang aking nadarama. Walang malang tanawin sa mga kalaro
kong panay ang takbo huwag lamang mahuli ng taya. Sumagi sa isipan ko, anong
saya kapag marami kang kaibigan. Ngunit, sa pag iisip kong ito, tila may isang
karayom na tumimo sa aking talampakan at naramdaman ko ang kirot sa kaliwang
parte ng aking dibdib. Tama nga! Anong saya kung marami kang tunay na kaibigan.
Noong hapong iyon, walang malagyan aking mga tawa’t halakhak, subalit, alam
kong sa likod ng buhay na buhay at nakangiti kong mga labi’y nagkukubli,
nagtatago sa isang madilim na sulok ang tunay kong pagkatao. Sa kabila ng mga
matatamis na ngiting ibinabato nila sa akin, alam kong ni minsan sa aking
buhay, hindi sila magiging totoo sa akin.
Napatunayan
ko na ang isinasamo ng isipan kong iyon. Nasa ikatlong taon ako ngayon ng pag
aaral sa sekondarya. Dalawang taon ko ang napuno ng karangyaa’t karangalan. Sa
dalawang taon kong iyon nalasap ang biyaya ng buhay. Noon ko naramdaman ang
pagmamahal ng mga taong nasa paligid ko. Ang mga panahong iyon ang
pinakanagmarka sa aking isipa’t nag iwan ng pilat sa aking puso. Hindi ko
maikakaila, napakarami kong nagging kaibigan noon. Napakaraming gustong makipag
kaibigan sa akin. Umuulan ang mga biyaya’t karangalan, karangyaa’y aking
tinamasa. Napakasaya ko noon. Wala na akong mahihiling pa, ni hindi ko man lang
naiisip ang sarili kong manlulumo’t mag iisa sa dilim sa parating na bukas. Ni
hindi man lamang sumagi sa aking isipan na gigising ako sa isang mundong
tanging ako lamang ang nakakaalam. Wala akong naisip na negatibong pangyayari.
Wala
akong kamalay malay, ang lahat pala ng iyo’y dulot ng karangyaang nasa aking
mga palad. Kinabukasan, paggising ko’y tanging ako na lamang ang tumatahak sa matarik
ng bundok ng buhay. Nawala ang karangyaang aking pinanghahawakan. Nabura ang
pangalan ko sa maningning na listahan. Mga kaibigang, kapatid kung ituring
noon, ngayo’y alaala na lamang ng lumipas. Lahat ng biyayang nagkulay sa aking
kahapon, ngayo’y naglahong parang bula. Isang malakas na hangin ang nagdaa’t
tinangay lahat ng mayroon ako. Isang malaking baha ang dumating at inagos ang
lahat ng sa aki’y nagbigay ngiti. Isang hindi inaasahang lindol ang yumanig sa
mundo ko at nagpaguho sa lahat ng alaalang nabuo ng kahapon.Ngayon, heto ako,
nag iisang naglalakad madilim na iskinita na hindi alam kung saan tutungo
habang panay ang pagbagsak ng mga patak ng ulan na sinabayan ng aking luha.
Ulan
ay dadating, lalakas, hihina, ngunit darating ang panahon, titila, at ang araw
ay muling magliliwanag. Nangyari nga! Tumila ang malakas na ulan, ang lahat sa
aki’y muling nagbalik, kaibiga’t kalarong naglahong parang bula’y sa akin
ngayo’y muling nagbabahagi ng halakhak. Karangyaang tinangay ng unos na nagdaa’y
muling nanumbalik. Lahat ng bagay ay lumagay sa ayos. Ngunit ano? Ano itong
kumikirot sa kaliwa kong dibdib? AH! Iyon ang pilat na iniwan ng hinagpis ng
kahapon. Ang kirot na dulot nito’y kung
makakapagsalita lamang ay sinigawan na ako’t sinabing hindi na dapat pa ako
magtiwala sa kanila, wala na akong rason para ang papel na nilukot at
inapakapakan nila’y ayusin kong muli. Ang minsanang sakit na iniwan nila sa
akin, ay ayoko nang maulit pa. Hindi! Hindi na ko babalik sa anino ng kahapon.
Hindi na ako muling magkukubli sa anino ng nakaraan. Ako’y nabago na. Nahubog
at natuto sa mga pagsubok na
pinagdaanan. Mas malakas, mas mapanuri at ngayo’y kayang tumayo ng mag isa.
No comments:
Post a Comment